Lider nga ba ako? Iyan ang natanong ko sa sarili ko.
Sa oras na ito, nais kong ibahagi ang tatlong pundamental na prinsipyo patungkol sa pamumuno na nagpapaalala sa akin na ako ay isang lider.
1. Ang Pamumuno ay Impluwensya.
Sinabi ni John Maxwell, Leadership is influence. Nothing more, nothing less. Masasabi natin na lider tayo kung may mga naiimpluwensyahan tayong mga tao. Ito man ay nasa mabuti o masama, ang impluwensya ang isa sa mga dapat linangin ng isang lider sa pamumuno. Importante ito! Sapagkat, ito ang nagiging dahilan kung bakit mayroong mga sumusunod sa atin. Ang lider ay hindi magiging ganap na lider kung walang sumusunod. Gayundin, ang isang magaling na lider ay yaong kayang dalhin ang grupo sa isang pangarap (vision). Hindi ito magagawa ng walang impluwensya.
Teka, huwag muna natin pag-usapan ang dami at laki ng impluwensya, ang dapat munang tanungin natin ay: may naiimpluwensyahan ba tayo? Kung mayroon, lider ka! Isa man yan o dalawa o iilan lamang, ang importante ay may nahihipo kang puso at nababagong buhay. Kung wala, at feeling mo lang na may naiimpluwensyahan ka, hindi pa naman huli ang lahat. May paraan pa para linangin ang impluwensya.
Katotohanan patungkol sa impluwensya: ang bawat tao ay mayroon niyan! Ang problema, hindi lang natin nililinang. (Sa mga susunod kong post, ikukwento ko kung paano ko nalinang ang aking impluwensya.)
2. Ang Pagiging Lider ay isang Desisyon.
Bawat isa sa atin ay may potensyal mamuno. Naalala ko ang kwento ng aking kaibigan. Sobrang tahimik, hindi siya katulad ng karamihang lider na masalita. Hindi makabasag pinggan ang kanyang katahimikan. Walang hilig sa isports, video games, facebook, at kung anu-ano pang trip ng kabataan. Wala sa mukha niya ang pagiging lider. Gayunpaman, kapag nagsalita na siya, tagus tagusan ang mga aral na iniiwan niya sa mga tao. Ito ang naging dahilan kung bakit maituturing siyang isa sa pinakamahuhusay at ginagalang na lider sa aming eskwelahan. Maraming sumusunod sa kanya.
Ang kwentong ito ang bumabali sa prinsipyo ng mga taong nagsasabing: ang pwede lang maging lider ay ang mga madadaldal at bibo!
Ang pamumuno ay isang desisyon. Kapag sinabi mong OO, hindi na usapan kung anong mayroon ka. Puso, dedikasyon at commitment ang kailangan sa unang baitang ng pamumuno. Kapag maayos ang puso mo, madali nang ayusin ang kahusayan at kagalingan. Ito ay nalilinang sa pamamagitan ng eksperyens. Natatandaan mo pa ba ang katotohanan patungkol sa impluwensya? Ang lahat ay mayroon nun! Ang tanong lamang, handa ka ba na linangin ito?
3. Ang Pamumuno ay Pagiging Alipin.
Sa isang leadership seminar kung saan ako ay naimbitahan magsalita, tinanong ko ito sa mga kaharap kong kabataan: anong bagay ang naiisip mo kapag naririnig mo ang salitang 'leader'? Ito ang mga lumutang na sagot: americana, kurbata, pera, mikropono, stage, podium, etch. Halos lahat ay mataas ang pagtingin sa mga leader.
Ngunit isang 'di-lantad na reyalidad': ANG PAGIGING LIDER AY ISANG PAGIGING ALIPIN. Sikat na sikat ang kataga ni Pnoy, kayo ang boss ko! Ito ang una at dapat muna natin maintindihan bago magdesisyon na yakapin ang ganitong pagkatawag. Baka kasi nabibigla lamang tayo. O kaya gusto lang natin maging sikat. Sabi nga ng iba, politics is the business of ugly people. Kaya maraming mga pulitiko na hindi nagiging produktibo dahil popularidad lamang ang habol. 3G nga daw: Golds, Girls, and Glory. Hindi ito ang tamang pamumuno.
Nagsimula ang mga mahuhusay na lider (sa buong mundo) sa taus pusong paglilingkod. Sa paglilingkod na hindi iniisip at inuuna ang sarili kundi ang kapakanan ang iba. Always remember thatleadership is about people's demand not about self-interest alone. Kung naintindihan mo ng lubos ang prinsipyong ito, at yinakap mo ang pagkatawag sa paglilingkod-pamumuno, asahan mong marami ang susunod sa iyo!
Challenge: Handa ka na bang itaas ang antas ng iyong impluwensya? Yakapin ang pagiging alipin ng lahat at linangin ang kahusayan sa pamumuno?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento