Biyernes, Mayo 31, 2013

OO.. guro ako...


ang aking mundo.. ang mundo ng isang guro...

kung lalagyan ng plot ang buhay mo, kulang ang isang libro para idetalye ang mga ginagawa mo.

Isang kurso ang kinakailangan para pag-aaralan kung paano ka kikilalanin at kung paano ka uunawain. alam mo ng mahirap ang kursong yan at hindi mataas ang pagkilala sa ganyang propesyon, itinuloy mo pa rin. alam mo ring mahirap ang trabaho at paulit-ulit mong sinasabing huling taon mo na ‘to, sa huli… ikaw rin ang tumatawad at nanghihingi ng isa pang pagkakataon upang unawain ang kinalalagyan mo ngayon. nasasaktan ka ng paulit-ulit at halos ayaw ka ng pakinggan ng mga kaibigan mo dahil sa mga litanya mo, pero natututunan mo pa ring pakinggan ang nilalaman ng puso mo. may pagkakaton naman na mag-iba ng trabaho pero nakikipagmatigasan ka at sinasabing hindi lang trabaho ang hanap mo kundi kabuluhan.

nakikita mo ang kabutihan sa pinakamasamang estudyante mo kahit sa huli, kalaban mo na ang lahat ng co-teacher mo, ang taas pa rin ng pananalig mong magbabago ang batang yan. Minsan pa, pati ikaw tinatabla. hanggang sa wala ka ng balikat na maiyakan dahil alam mong isa lang ang sasabihin nila, “sinabi ko naman kasi sa’yo!”

makakasalubong mo ang dati mong kamag-aral at kaibigan, makinis ang balat, maayos ang damit, nakaporma at ikaw nagpupumilit na maging maayos kahit hindi na makabili ng damit. ayos ng plantsado ang damit, nakasuklay o may kaunting pabango, pinagpapalit-palit mo na lang ang pares para kahit papaano ay makasabay sa uso.

pipilitin mong harapin ang makulit na magulang at paliwanagan. diplomasya. pilit mong ipapaunawa ang sistemang kahit ikaw ay alam mong may pagkukulang. ipagtatanggol mo ang paaralan o kasamang guro kahit alam mong ikaw ang unang-unang hindi sumasang-ayon.

pipilitin mong itago ang nararamdaman, ang pausbong na pag-ibig ay hindi dapat pagbigyan.

pipiliin mo ang mga salitang bibitawan at tila krimen ang makapagsabi o makapagpakawala ng nararamdaman kahit ito’y expression lamang.

daramhin mo ang iyak ng mga magulang, aalamin mo ang laro ng mga mag-aaral, ipapaliwanag mo sa kanila ang nangyayari sa lipunan at ipararanas mong maganda ang mundo.

sasabihin mong may pag-asa. kukumbinsihin mong nasa kamay nila ang pagbabago hanggang sa mapaniwala mo ang lahat at wala ka ng maisagot sa mga tanong na paano.

daraan ang panahon, masaya ka sa paulit-ulit na pagharap, pakikinig, pagmamasid, pagpapaalala, pagtuturo, pagwawasto, pakikipamuhay at pakikiisa hanggang sa sumamplataya ka sa kakayahan ng mga batang tinuturuan mo.

hanggang sa maharang ka isang araw at di makilala.

hanggang sa muling pagkirot ng puso at muling pagtanggi sa sakit

hanggang sa muling pagtanggap na ang buhay ng guro ay hindi naghahangad ng pagkilala bagkus bukas-pusong pagbabahagi…

ang puso mong nasaktan ay agad maghihilom matapos niyang maunawaan na nagampanan na niya ang kanyang tungkulin at naging bahagi sa pag-unlad ng kanyang mag-aaral.

at kung maalala mong nauubos na ang iyong sandali upang tahakin ang landas kung saan ikaw naman ang uunlad gaya ng batang nakita mo ngayon…

muli mong iisipin na ito ang landas mo, na ang pag-unlad mo ay katumbas ng pag-unlad ng mga batang minsan mong kinausap at tinuruan.

kung magpasya ka namang lumayo at angkinin ang personal na kaligayahan, tutuksuhin ka ng iyong sarili, at paulit-ulit nitong ipapaalala na ikaw ay guro… ’san mang dako, ’san mang panahon…

ikaw ay guro.
ngiti palang ng munting mga angel na ito... wala na agad ang pagod ng isang guro..

BAKIT NGA BA MASARAP MAGING GURO? (PARA SA AKING MGA KAGURO, NAGING GURO AT MGA MAGIGING GURO)


Naisip ko minsan bakit nga ba ako naging GURO?Sabi nga nila, walang pera sa pagtuturo. Kung meron man, hindi mo ito ikakayaman. Sasakit lang daw ang ulo mo sa mga pasaway na estudyante, sa paggawa ng lesson plan araw-araw, sa pagtuturo sa mga gusto at ayaw matuto at kung anu-ano pang problema na maaari mong isipin sa buhay ng isang guro.

Pero naisip mo na ba kung bakit meron pa ring ibang tao na nagpipilit at nagtiya-tiyagang nagpapakadalubhasa upang maging isang ganap, mahusay hinahangaan at respetadong guro? Ito ang ilang dahilan ko kung bakit:

Una, dahil gusto nyang makatulong sa bansa. Gusto nyang maglingkod sa bayan sa pamamagitan ng pagtuturo ng walang inaasahang kapalit o bayad. Gaya ko. Masaya na sila kahit ga-bundok ang nilalakad araw-araw, maaksidente paminsan-minsan at magsakripisyo ng sariling kasiyahan at buhay makapagturo lamang sa mga estudyanteng nakatira sa bundok na nagnanais matuto.

Ikalawa, dahil nasa lahi, angkan o dugo nila ang pagtuturo. Kahit anong gawin nilang pag-iwas o pagtanggi, sa pagtuturo pa rin sila napupunta. Hindi natalo ng isip ang lakas ng puso. Tawag nga daw ng kalikasan.

Ikatlo, biyaya ng Diyos. Masasabi kong "biyaya" sapagkat hindi lahat ng tao ay nakakapagturo ng natural. Kunbaga, kahit hindi niya pansin ay nakakapagturo siya ng maganda at maayos sa kabila ng pagtanggi niya nito. At iba kasi pag galing sa puso.

Itinuturing kong bagong bayani ang mga guro. Bakit? Sapagkat sa guro nakasalalay ang mga buhay at pangarap ng mga batang ipinagkatiwala sa kanila ng mga umaasang magulang. Sa guro nakasalalay kung ilan sa mga tinuturuan niya ang mamumuno ng bansa, papatay ng tao, magiging artista, makakadiskubre ng gamot sa aids, magiging illegal recruiter,magiging tycoon o magiging isa na namang guro. Ang alam kong pinagkaiba nila sa OFW ay hindi sila kumiita ng dolyar at hindi rin masyadong demand sa ibang bansa. Gaya ng nauna kong nasabi, walang pera sa pagtuturo. Meron man hindi mo ito ikakayaman ika nga ni Bob Ong.

Pero alam mo, hindi ako apektado kung gaano kahirap ang buhay ng isang guro. Hindi ko alintana kung hindi masyadong malaki ang pera sa pagtuturo. Hindi ko habol yun. Wala rin akong pakialam kung tatlong bundok ang lakarin ko araw-araw. Ok nga yun eh. May excitement. May thrill. Hindi ko rin alintana kung maaksidente ako at magsakripisyo ng sariling buhay at kasiyahan matupad ko lang ang akin pangarap. Ang maging isang mahusay na guro. Sa mata ng mga mag-aaral. Sa mata ng mga magulang. Sa mata ng mamamayan.

Kaya para sa akin, masaya at masarap maging isang guro. Nagbabahagi ka na ng iyong kaalaman, may natutunan ka pang bago sa tinuturuan mo. Matututunan mong humarap sa ibat-ibang klase ng tao. Mula sa pinakamababa hanggang sa pinakamataas. Matututunan mong magpahaba ng pasensya na siyang kailangan. Matututunan mo kung paano rumespeto at dumisiplina ng sarili at ng ibang tao na lalo mong kailangan. Matututunan mong magsakripisyo alang-alang sa ibang tao. Matututunan mong makinig sa problema at payo ng iba at gawan ito nang solusyon pa sayo at sa ibang tao.

.."ang pagtuturo na ang pinaka sagradong propesyon. Ilang taon matapos matuto maglakad ang bata, ipinapasok ma ito sa eskwelahan at iniiwan sa pangangalaga ng teacher..." - Bob Ong

Huwebes, Mayo 30, 2013

PARA SA MGA LIDER, NAG NANAIS MAGING LIDER.. =) LALO'T HIGIT SA aming BUNSO


Lider nga ba ako? Iyan ang natanong ko sa sarili ko.

Sa oras na ito, nais kong ibahagi ang tatlong pundamental na prinsipyo patungkol sa pamumuno na nagpapaalala sa akin na ako ay isang lider.

1. Ang Pamumuno ay Impluwensya.

Sinabi ni John Maxwell, Leadership is influence. Nothing more, nothing less. Masasabi natin na lider tayo kung may mga naiimpluwensyahan tayong mga tao. Ito man ay nasa mabuti o masama, ang impluwensya ang isa sa mga dapat linangin ng isang lider sa pamumuno. Importante ito! Sapagkat, ito ang nagiging dahilan kung bakit mayroong mga sumusunod sa atin. Ang lider ay hindi magiging ganap na lider kung walang sumusunod. Gayundin, ang isang magaling na lider ay yaong kayang dalhin ang grupo sa isang pangarap (vision). Hindi ito magagawa ng walang impluwensya.

Teka, huwag muna natin pag-usapan ang dami at laki ng impluwensya, ang dapat munang tanungin natin ay: may naiimpluwensyahan ba tayo? Kung mayroon, lider ka! Isa man yan o dalawa o iilan lamang, ang importante ay may nahihipo kang puso at nababagong buhay. Kung wala, at feeling mo lang na may naiimpluwensyahan ka, hindi pa naman huli ang lahat. May paraan pa para linangin ang impluwensya.

Katotohanan patungkol sa impluwensya: ang bawat tao ay mayroon niyan! Ang problema, hindi lang natin nililinang. (Sa mga susunod kong post, ikukwento ko kung paano ko nalinang ang aking impluwensya.)

2. Ang Pagiging Lider ay isang Desisyon.

Bawat isa sa atin ay may potensyal mamuno. Naalala ko ang kwento ng aking kaibigan. Sobrang tahimik, hindi siya katulad ng karamihang lider na masalita. Hindi makabasag pinggan ang kanyang katahimikan. Walang hilig sa isports, video games, facebook, at kung anu-ano pang trip ng kabataan. Wala sa mukha niya ang pagiging lider. Gayunpaman, kapag nagsalita na siya, tagus tagusan ang mga aral na iniiwan niya sa mga tao. Ito ang naging dahilan kung bakit maituturing siyang isa sa pinakamahuhusay at ginagalang na lider sa aming eskwelahan. Maraming sumusunod sa kanya.

Ang kwentong ito ang bumabali sa prinsipyo ng mga taong nagsasabing: ang pwede lang maging lider ay ang mga madadaldal at bibo!

Ang pamumuno ay isang desisyon. Kapag sinabi mong OO, hindi na usapan kung anong mayroon ka. Puso, dedikasyon at commitment ang kailangan sa unang baitang ng pamumuno. Kapag maayos ang puso mo, madali nang ayusin ang kahusayan at kagalingan. Ito ay nalilinang sa pamamagitan ng eksperyens. Natatandaan mo pa ba ang katotohanan patungkol sa impluwensya? Ang lahat ay mayroon nun! Ang tanong lamang, handa ka ba na linangin ito?

3. Ang Pamumuno ay Pagiging Alipin.

Sa isang leadership seminar kung saan ako ay naimbitahan magsalita, tinanong ko ito sa mga kaharap kong kabataan: anong bagay ang naiisip mo kapag naririnig mo ang salitang 'leader'? Ito ang mga lumutang na sagot: americana, kurbata, pera, mikropono, stage, podium, etch. Halos lahat ay mataas ang pagtingin sa mga leader.

Ngunit isang 'di-lantad na reyalidad': ANG PAGIGING LIDER AY ISANG PAGIGING ALIPIN. Sikat na sikat ang kataga ni Pnoy, kayo ang boss ko! Ito ang una at dapat muna natin maintindihan bago magdesisyon na yakapin ang ganitong pagkatawag. Baka kasi nabibigla lamang tayo. O kaya gusto lang natin maging sikat. Sabi nga ng iba, politics is the business of ugly people. Kaya maraming mga pulitiko na hindi nagiging produktibo dahil popularidad lamang ang habol. 3G nga daw: Golds, Girls, and Glory. Hindi ito ang tamang pamumuno.

Nagsimula ang mga mahuhusay na lider (sa buong mundo) sa taus pusong paglilingkod. Sa paglilingkod na hindi iniisip at inuuna ang sarili kundi ang kapakanan ang iba. Always remember thatleadership is about people's demand not about self-interest alone. Kung naintindihan mo ng lubos ang prinsipyong ito, at yinakap mo ang pagkatawag sa paglilingkod-pamumuno, asahan mong marami ang susunod sa iyo!

Challenge: Handa ka na bang itaas ang antas ng iyong impluwensya? Yakapin ang pagiging alipin ng lahat at linangin ang kahusayan sa pamumuno?

Buhay Guro


Naging estudyante rin ako. Siyempre ala namang guro agad. Genius? O siya anyway, katulad ng aking nabanggit, naranasan ko ang buhay ng isang taong pumapasok sa eskwelahan, nakikinig sa mga turo ng propesor, nagka-cram sa mga assignments, at naghahanap ng source. Kung 75 ang source ko, malamang, 75 din ako. Habang ako ay nag-aaral, doon ko naranasan ang iba't ibang mukha ng buhay-estudyante. Nandiyan ang mga guro na dino-drawing ko sa notebook habang nagdi-discuss tapos lalagyan ko ng shades, bigote (kahit babae), at pangil. Kaya kung magkakaroon talaga ng ganung itsura, malamang lahat na ng naging teachers ko dati eh kamukha na ni Two-Face ngayon. Nandiyan din ang iba't ibang propesor na habang nagtuturo eh binibilang ko ang "Is it clear class?" at tina-tally ko sa ticket ng bus. Nandiyan din ang mga propesor na magagaling magturo, magagaling gumawa ng exam nang hindi tinuro, at mga mabibilis magturo kasi gutom na. Sa canteen na ang destination pagkatapos. Wala. Dati, isa lamang ako sa marami na umuupo araw-araw para makinig at mag-exam.

Sa akin ding pagkakaupo sa klase, nadaanan ko ang iba't ibang anyo ng mga guro. May mga magaganda at pang-model ng shampoo, may mga pang-model ng facial wash, at meron ding pwedeng kunin sa commercial ng Combantrin. Pwedeng bulate ang role nila. Ang iba naman, pagpasok pa lang sa classroom, gumaganda na ang atmosphere. At sa iba, pagpasok naman sa silid, parang may dumaang tear gas. May iba pa nga na kung talagang titingnan mo, baka bigla kang maniwala sa Theory of Evolution. Ayoko nang i-elaborate pa ang mga bagay-bagay.

Elementary, High School, at College. Lahat ng ito ay dinaanan ko sa pagiging estudyante. Oo. Gumawa rin ako ng mga excuse letters na ako ang pumirma (student na, parent pa), umabsent sa mga school activities, bumili ng mga supplies, humingi ng intermediate pad paper for four years, namutol ng crayons ng katabi, nanguha ng red ballpen, gumawa ng History research, nangwasak ng project ng iba dahil maganda, pumasok sa maling classroom, nambelat sa katabi na napagalitan, nagpatali ng sintas ng sapatos sa adviser, umihi sa jogging pants, nag-drawing gamit ang T-square, nag-compute gamit ang scientific calculator, nagdikit sa likod ng kaklase ng "For sale: P5.00 only!", nanghila ng upuan ng iba, nanipa ng kaklase sa harap para magtanong ng sagot, nagpaiyak ng spoiled brat, namahid ng glue sa notebook ng iba, at kung anu-ano pa. Lahat yan... as in lahat. Simple lang ang goal ko dati: Makatapos.

Ngayon, isa na akong ganap na guro. Naisip ko lang: Ako naman ang titingnan ng mga estudyante. Ako naman ang ido-drawing; ako naman ang tatanungin ng "Ma'am may boyfriend na ba kayo?"; ako naman ang kakausapin ng mga magulang para ipasa ang mga anak nila; ako naman ang bibigyan ng mga pekeng excuse letters; at ako naman ang gagayahin nila kapag sila-sila na lang ang nasa room. Oo. Lahat ng ito ay inaasahan ko. Ngunit sa kabilang banda, naisip ko: Ang pag-iisip nila sa ngayon ay siyang naging pag-iisip ko rin dati...

Masaya ngunit mahirap ang buhay ng isang guro. Lalo na sa High School, hindi pwede ang magdi-discuss ka ng bagong lesson nang hindi nila naintindihan ang dati. Kailangang unawain mo ang pangangailangan ng bawat estudyante para lahat sila ay "in." Masarap sa pandinig na tawagin ka nilang "Sir" o "Ma'am" kung ikaw ay kalahating Sir, kalahating Ma'am. Pero ang pinakaimportante sa lahat ay kung anong marka ang iniiwan mo sa iyong mga estudyante at pati na rin sa kapwa-guro. Sa kasalukuyan, masasabi kong ang marka na aking iiwanan ay ang marka ng isang guro na maaari mo ring maging kaibigan. Oo. Ito ang markang gusto kong itatak sa isip ng mga bata, bukod sa markang iniiwan ko kapag nakakaiwan ako ng wrapper ng Flat Tops sa table ko kapag uwian. Masasabi kong sa propesyong ito, puso at determinasyon ang kailangan. Kung wala kang puso, you will have no heart. At kapag wala kang determinasyon, you will never be determined. Tama ba yang quotes na yan?

Yan ako, mga kaibigan. "Bagong guro, bagong guro." Repeat 5 times then say it faster...